There is an English translation of this post here.
Isang araw, binuksan mo ang TV at nagulat sa nakitang balita. “Isaw, nakaka-doble ng IQ, ayon sa mga dalubhasa!”

Inisip mo siguro, “Weh, ‘di nga?” Sa dinami-dami ba naman ng isaw na kinain mo noong college, wala ka namang napala at kwatro ka pa rin sa Math 17. Tsaka, sino ‘tong mga “dalubhasa” na ‘to? Isaw experts ba kamo?
Siguro, Ginoogle mo yung “isaw high IQ”. Baka naman minessage mo yung kaibigan mo sa Viber para magtanong kung nabalitaan din ba n’ya ‘to. Pwede rin na nilipat mo yung channel para i-check kung nabalita rin s’ya sa ibang istasyon sa TV o kaya sa dyaryo.
Ngayon, isipin natin — paano kung wala nang ibang mapagkukunan ng balita?
Medyo pangit yung comparison. Pero ito ang naramdaman ko noong narinig ko ang balitang tinanggihan ng kongreso ang pagbigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN, ang pinakamalaking broadcast network sa Pilipinas, noong nakaraang Biyernes.
ABS-CBN ang may pinakamalawak na network sa buong bansa, lalo na sa mga malalayong probinsya. Sa aking pananaw, ang kawalan ng pagkukunan ng balita para sa mahigit 90% na mga Pilipino na umaasa sa TV para rito ang pinakamasaklap na bunga ng pangyayari. Nasa gitna tayo ng pandemya. Saan kukuha ng impormasyon ang ating mga kababayan? Sa Facebook (eh paano kung wala naman silang pambayad ng internet)? Sa kapitbahay?
Ang nakakalungkot pa, base sa mga pino-post ng ilang mga kaibigan at kamag-anak sa Facebook at sa pakikipag-chat sa kanila, marami pa rin ang kumukuha ng opinyon mula sa social media, na walang ginagawang “fact-checking” o pagsusuri kung totoo ba o hindi ang mga nababasa nila.
Medyo magulo ang internet, nakaka-trigger talaga. At ngayon, nawalan pa ng isang mapagkukunan ng balita na — gayong hindi perpekto — ay meron namang ilang dekadang karanasan at kinikilala sa loob at labas ng bansa.
“Civilized society is a working system of ideas. It lives and changes by the consumption of ideas. Therefore, it must make sure that as many as possible of the ideas which its members have are available for its examination.”
Commission on Freedom of the Press, “A Free and Responsible Press”
(Emphasis mine)
Hindi ko naman balak talakayin kung bakit hindi sila dapat ipasara ng kongresista.
Pero sa gitna ng nangyayari ngayon sa ating bansa, nais kong i-presenta ang isang Toolkit Laban sa Katangahan (a.k.a. Toolkit for Healthy Skepticism to Guard Against Bullsh*t in the News), batay sa sinulat ni Carl Sagan, ang National Library Board ng Singapore at ang News Literacy Project, pati na rin ang scientific method.
Naalala n’yo pa ba ang scientific method? High school pa tayo nung inaral natin ito, baka nakalimutan na natin. Ang mahalaga: kapag binigyan tayo ng mga bagong ideya, hindi natin dapat tanggapin ito agad. Dapat may pag-aalinlangan. Tayo’y magtanong, mag-imbestiga, at mag-isip ng sarili nating konklusyon mula sa nakalap nating impormasyon.
Bumalik tayo sa kwento tungkol sa isaw — kung naisipan natin mag-search sa Google, magtanong sa kaibigan, o tumingin ng ibang pahayag — mahusay!
Ano ba ang dapat nating itanong sa ganitong mga pagkakataon? Kung napapa-“shit” ka sa mga nangyayari sa ating bansa — you’re on the right track besh!
S.H.I.T. talaga ang ating tandaan pagdating sa balita o impormasyon mula sa social media: Suriin, Hanapin, Intindihin, Tanungin –
1) Suriin – Saan galing yung balita? Sino ang nagsulat at nag-publish?
Maraming Pilipino ang gumagamit ng Facebook or social media para makakuha ng balita, ngunit laganap ang biased pages, groups, at pekeng news websites. Yung iba, madaling mahalata pero yung iba, hindi.
May mga ilang palatandaan na pwedeng alalahanin tulad ng kawalan ng “About” section, walang pangalan ng may akda, walang petsa, o kaya naman ay Gmail or Yahoo e-mail lamang ang ginamit para sa “Contact Us” section imbes na ibang opisyal na domain.

2) Hanapin – Bukod sa tao o Facebook page na nagbatid sa atin ng balita, hanapin kung mayroon pa bang ibang nagpahayag ng balitang ito. Kailan ito ipinahayag? Kailan kinuha ang litrato sa artikulo? Maaaring totoo ang impormasyon, pero wala sa orihinal na konteksto.
Noong bago pa lang ang balita ng Covid-19, shinare sa akin ng tita ko ang isang message na may malaking “Unicef” logo, tips daw laban sa virus. Nagduda ako agad dahil parang hindi propesyonal yung dating ng payo (huwag daw kumain ng ice cream at malalamig na pagkain — huh?! parang chika lang ang peg). Tsaka bakit tine-text ng Unicef yung mga tao, hindi ba mas official kung ianunsyo nila ito sa pahayagan? 2 segundo lang ng pag-Google, nalaman ko agad mula sa Unicef official website na peke ang tips na ito.
Madaling mag-fact check gamit ang websites tulad ng Snopes, atbp. Kailangan lang natin ng konting effort para mag-double check kung totoo ba ang finoforward natin, bago natin i-click ang “Share.”

Isang halimbawa naman ng litratong wala sa konteksto ay yung meme ni Prince William na sumikat kamakailan lang. Ha?! May minumura ba s’ya?

Ngayon madali lang putulin o i-Photoshop ang mga litrato depende sa motibo ng nagsusulat ng balita. Bago tayo magalit kay Prince William, hanapin muna natin sa internet kung kapani-paniwala ang litratong nakikita natin.
3) Intindihin – Dapat malinaw at may kahulugan ang binabasa natin. Sadya ba nitong tini-trigger ang emosyon natin sa pamamagitan ng salita o litratong ginamit sa artikulo? Masyado bang maganda ang balita para maging totoo?
“Agot niresbakan ang kampo ni Jinkee!” Nainis ka ba noong nabasa mo ang headline na ito? Nagalit ka ba kay Agot? Labanan natin ang unang reaksyon natin sa mga ganitong artikulo at tumigil ng sandali. Maraming pahayagan na sadyang gumagamit ng nakagigilalas o nakakagulat na mga salita upang hikayatin tayo na i-click ang link nila o i-share ito sa Facebook page natin.
Huwag tumigil sa headline — basahin ng buo ang balita at intindihin kung may kahulugan ang nasusulat dito. Minsan, walang kinalaman ang kwento sa headline na nagpagalit sa ‘yo!

4) Tanungin – Tingnan ang balita mula sa iba’t ibang panig. Tanungin ang iyong sarili: joke-time lang ba ito? (Halimbawa, may mga news websites tulad ng The Onion sa Amerika o Adobo Chronicles sa Pilipinas na gumagamit ng “satire” na pang-uuyam ang pangunahing layunin.) Tanungin ang sarili kung merong biases o emosyon na nakakaapekto sa pagtingin mo sa balitang binabasa. Magtanong-tanong at magisip-isip bago mag-share!

Eh paano kung ginamitan mo na ng S.H.I.T. toolkit ang balita ngunit pagpasiya mo sa dulo ay taliwas sa iyong orihinal na paniniwala?
Sabi nga ni Carl Sagan, “The question is not whether we like the conclusion that emerges out of a train of reasoning, but whether the conclusion follows from the premise or starting point and whether that premise is true.” Ibig sabihin, kailangan nating maging maunawain sa iba’t ibang pananaw. Hindi porque atin ang isang paniniwala, tayo ang parating tama.

Hindi madali i-S.H.I.T. lahat ng balita. Hindi madali maging skeptic. May extra effort na kailangan. Pero may tiwala ako sa ating lahat. Sabi nga ng isa sa aking paboritong palabas noon, “Buksan ang pag-iisip, Tayo’y likas na scientist!”

Lalo na sa panahon ngayon, maging mapanuri po tayo!

I love this, people these days just want to be right, they don’t care about the facts. What’s worse is that most of us Filipinos abandon our values just to prove they are right. Its always “if you are not with us then you are against us” kind of mentality. It’s hard to thread the current landscape right now if you are an inquisitive one. Even if you are just asking questions so that you will have a sound understanding of things, still they would put you in a box. 😅
LikeLiked by 1 person
Agree, and nati-trigger talaga ako. Haha. And it’s not even unique to us — the discourse almost everywhere else has gotten so toxic with this kind of false dichotomy. A constructive discussion, especially online, is near impossible. But still we solider on, and ask questions. 🙂
LikeLike
Yes, it’s not even about picking a side anymore. Its the lack of moral compassion and mutual understanding that sickens me. Both have their merits as well as both are not perfect, but they can’t seem to get along to achieve a common understanding.
LikeLiked by 1 person
Indeed — compassion, understanding, and the willingness to be wrong. Still, I’m trying to be hopeful…
LikeLiked by 1 person
The Filipino spirit will endure. And with a smile, of course… That is our gift to the world. That no matter how tough things get, we always embrace it with a smile.
LikeLiked by 1 person
Yes, resilience seems to be ingrained in our culture… with both its pros and cons. A challenging topic! Thanks Mr. A, for dropping by my blog 🙂
LikeLike
It was a fantastic read, dear. Pleasure is all mine!
Cheers! 🍸
LikeLiked by 1 person
Mas interesting pa ang post na ito sa Tagalog! Dapat i-SHIT ang balita.
Sa Pilipinas marami kong nakita karatula kung saan nakasulat: “labanan ang kahirapan”.
Kailangan ang ibang uri ng karatula:”labanan ang katangahan”!
LikeLiked by 1 person
Hahaha, I needed to come up with a more memorable Tagalog acronym 🙂 Mas marami sana ang mag-S.H.I.T. ng balita! I’d support that karatula — if we ever found a place to post it! Sa may EDSA siguro, maximise visibility.
LikeLiked by 2 people
Baka pwede din idagdag ang mga karatula kung saan nakasulat: “ang nanay ng tanga ay lagi buntis”.
Marami talaga ang galing sa probinsya ng “Tangasinan”… lol
LikeLike
Haaay… 😅
LikeLiked by 1 person
Kung ok sa iyo gusto ko sana i-share ang post mo sa aking susunod na post.
Bago i-publish ko iyon heto ang draft at kung ok sa iyo na gamitin ko ang link sa post mo i-popost ko iyon:
“Ang aking unang bakasyon sa Pilipinas ay naganap noong 2008 at noong panahong iyon sa Roxas Boulevard ay mayroon ang isang karatula kung saan nakikita ang mukha ni Pangulong Gloria at kung saan nakasulat “labanan ang kahirapan”.
Baka ang isa pang uri ng karatula na kailangan ay ang isa kung saan nakasulat “labanan ang katangahan”!
Ang katangahan ay ang isang malubhang sakit at ang mga tao na nasa kategorya ng tanga ay medyo marami at nasusumpungan sa maraming dako ng lupa.
Marami ang tangalog speaking na mga tao, syempre hindi lang sa Pilipinas, dahil ang tangalog ay isang internasyonal na wika at ang Katangalugan ay isang trans-national na rehyon at ang probinsya ng Tangasinan ay malawak talaga.
Ano ba talaga ang isang “tanga”?-Ang punto-de-vista ng maraming Pilipino
Bilang foreigner na nag-aaral ng Tagalog naririnig ko ang salitang tanga nang medyo madalas at, kung minsan, sinasabihan pa ako ng mga Pilipino na ako ay ang isang tanga!
Halimbawa, minsan dinala ako sa isang liblib na lugar ng Sierra Madre Mountains at, dahil naka-seat belt ako sa kotse, sinabihan ako na tanga ako.
Galing ako sa isang bansa kung saan lagi naka-seat belt (at least in theory) dapat ang mga tao na nasa kotse, liblib man o hindi ang daan, at hindi ko alam na sa Pilipinas tangi lang ang mga tanga ang naka-seat belt sa mga daan kung saan walang buwaya na kumukontrol!
Ang isa pang paggamit ng salitang tanga ay may kinalaman sa mga following:
Mayaman na may lumang cellphoneMayaman na may lumang kotse (o, mas masahol pa, ang mga mayaman na ayaw magkaroon ng kotse….ang mga iyon ay (at least mula sa punto-de-vista ng ilang Pilipino) ang sukdulan ng tanga….hindi ang sukdulan ng ganda)Taong may kotse at ayaw niyang gamitin at mas gusto niyang lakarin ang isang kilometro kaysa magmaneho
Talagang marami ang mga tanga, at least batay sa ganitong uri ng pamantayan.
Ibang punto-de-vista tungkol sa katangahan
Dalawang araw ang nakalipas binasa ko ang isang interesting na post ng isang ka-blogger ko, isang Pinay na nasa Singapore.
Marami akong ka- na mula sa Pilipinas: may kabiyak, may kaibigan, may kainuman (kahit hindi ako masyadong umiinom) at may kablogger…medyo kumpleto ako.
Bweno, sa kanyang artikulo ginagamit niya ang salitang katangahan sa diwa ng kung ano ang tinutukoy sa wikang Ingles bilang b.s. (o “tae ng toro” sa Tagalog…).
At walang duda na ang mga balita ay puno ng b.s. o katangahan na pinaniniwalaan ng mga (nagsasalita ng) tanga(log).
Ito pala ang link: https://wp.me/pc5Viv-7k
Ano kaya ang isang tunay na tanga?
Ang may pera na ayaw bumili ng latest gadget?
Ang may pera na mas gustong maglakad kaysa magyabang na mayroon siyang magastos na S.U.V.?
Ang foreigner na naka-seat belt sa liblib na daan?
O ang taong naniniwala sa kahit anong kabobohan na hindi muna niyang sinuri?
Well, you make up your mind.
Anuman ang sagot ninyo, walang duda na ang katangahan ay ang isang salot na dapat alisin mula sa ibabaw ng lupa.
By all means labanan ang katangahan!”
LikeLike
Yes, please go ahead! 🙂 Salamat Ed!
LikeLike